photography.running.adventures

mga alaala ng nakalipas


This is my official entry to the Rachell Anne Ocbeña-Ryan Gerard Mabeza Valentines Blogging Contest. The theme is “Nag-iisa sa Araw ng Mga Puso”. I am supposed to write this piece in Filipino while she is supposed to write one in English. So here it goes:

Ilang araw na lamang ang nalalabi, araw na naman ng mga puso… Tuwing ikalabing-apat ng Pebrero: umuulan ng mga halik, walang humpay ang batian ng “Maligayang Araw ng mga Puso!“, nilalanggam kahit wala namang diabetes at napupuno bigla ang mga hotel, motel, at apartelle, kahit na panahon ng krisis. Nakakatuwang isipin, na may isang henyo noong unang panahon na nagpauso ng araw na ito na idinaraos sa buong mundo, at nakaka-inis na naunahan niya ako sa ideyang ito. Marahil ay isa rin siyang may-ari ng isang hotel, maraming siglo na ang nakalipas, ngunit hindi ko maubos maisip kung bakit pa kailangan pang maglaan ng espesyal na araw sa kalendaryo, kung maari naman itong ipagdiwang araw-araw tulad ng Pasko…

Kung tutuusin, mas marami ang nasasaktan, nalulungkot, lalong lumalamig ang gabi habang lumilipas ito. Hindi pa nakakatulong ang pagyayabang ng ilan mong kaibigan na may boypren at gelpren, at ipinangangalandakan na mayroon silang selebrasyon sa isang mamahaling restawran sa lungsod, at hindi ka kasali roon. Kaya ako’y bahagyang nalulungkot at nabibigla na yaong kaibigan kong mukhang tuko, ay may nauto pang dalaga na samahan siya sa araw na ito. (Naiisip ko tuloy kung may kinalaman dito ang kanilang negosyo na minana pa niya mula sa kanyang mga ninuno at isang bagong linis at kumikinang-kinang pa na bagong modelo ng Mazda…)

Sa mga  panahong ito, naaalala ko tuloy ang aking mga nakaraan ng pagdiriwang… Ilang taon na rin ang nakakalipas, isang maaraw na tanghali . Maalinsangan ang hangin. Maari kang magluto ng pritong itlog sa tabi ng kalsada. Kaya’t ako’y bahagyang nahuli sa napag-usapang oras dahil pabalik-balik akong nagpapa-presko upang hindi naman magmukhang basing-sisiw sa harap ng aking ka-deyt. Sa kalagitnaan ng byahe ay bumaba ako ng sasakyan upang bumili ng bulaklak na kanyang paborito,mga rosas. iIang minuto na lang ang natitira, kailangan ko nang magmadali. Pagkalipas ng ilang linggong matinding pag-iisip, isa yun sa pinakamalaking pagkakamali sa aking buhay-binata…

Pagdating ko sa tapat ng McDo, pinagtitinginan ako ng mga tao. Humihingal. Kinakabahan. Nasaan na siya? Dalawampung minuto pa lang akong nahuli, baka pumunta lamang siya sa palikuran dahil nainip at naisipang magpaganda, sambit ko. Oras ang lumipas. Hindi niya sinasagot ang kanyang telepono. Dahil panonood ng pelikula ang aming  usapan, nagbakasakali akong nauna na siya sa panonood. Ngunit, mayroong walong pelikula ang pinapalabas nung araw na iyon! Wala akong nagawa, kundi ang hintayin na lumabas ang lahat ng tao tuwing natatapos ang isang palabas. Tatlong oras na ang lumipas, wala pa rin… Namimintig na ang lahat ng ugat sa aking mga paa at malapit nang mag-kudeta. Pero sabi ko, kasalanan ko ‘to at kailangan kong magdusa..

Malapit ng magdilim, wala talaga akong ideya kung saan ko siya hahanapin. Naging palaboy ako sa loob ng mall, sana nga man lang ay may nagbigay ng limos. Ngunit wala. Nangunguluntoy na ang mga rosas sa aking mga kamay, marahil ay sumusuko na rin sa paghihintay ng milagro. At doon ko naisipang pumunta sa kanilang bahay, ilang sakay lamang naman, at maari ko na lamang iwan ang isang liham ng pagpapaliwanag na aking ginawa habang giniginaw sa tapat ng sinehan, at ang aking mga lantang rosas.

Nakarating ako sa tapat ng kanilang lugar, ng mga bandang alas-nuebe na ng gabi. Malamig na ang hangin, ibang-iba sa alinsangan na aking dinanas ilang oras lamang ang nakaraan. May nagwawalis sa kanilang bakuran, at tinanong ko kung naroon siya. Kakarating lamang daw at dali-dali itong tinawag. Napakaganda niya nung gabing iyon kahit bakas sa kanyang mga mukha ang pagkainis at pagkabigla dahil kinapalan ko ang aking mukha at naisipang ko pang magpakita. Nagpaliwanag ako kung ano ang nangyari at tinanggap naman niya ito. Niyaya niya akong pumasok ngunit ‘di ako nagpaunlak sapagkat nanay niya pala yung kanina pang nagmamasid at nagpapanggap na nagwawalis at walang naririnig. Dyahe! Narinig ng kanyang ina ang lahat ng pagka-tungaw ng aking isipan sa aking pinagagawa. Umalis na lamang ako at nagpaalam sa kanilang dalawa. Asar.

Matagal na rin kaming hindi nagkikita at hindi nag-uusap. Mula noon, ay hindi na rin ako nagbibigay ng bulaklak sa kahit na sino, sa paniniwalang ako’y muling male-leyt at muling iiwan. Hindi na rin ako naghintay ng dalawang oras sa McDo na sundae lamang ang nilalantakan at lalong hindi ko na hinihintay na matapos ang walong pelikula para lamang malaman kung naroon siya. Totoong masaklap at mukhang tanga ang mga pangyayaring iyon lalo na at nalalapit na naman ang araw na ito.

Ipinagdarasal ko lamang na sa mga susunod na araw ay may mangyaring himala…




Top Blogs

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s